Popular Posts

Wednesday, September 27, 2017


'Paalam.’ ang sabi niya. Ngunit walang nag-abalang makinig; walang huminto para yakapin o magkunwaring pigilan man lamang siya. 


Nakatungo habang binabagtas ang daan papalabas, pilit nagmamadali upang siya’y mabilis na makaalis na. Iniiwasang may mga taong makapansin; mga taong dati’y kanyang mga kaibigan — dating malaking bahagi ng buhay niya.


Biglang bumalik sa alaala yung mga panahon na masaya pa siya sa pananatili sa lugar na iyon. Yung kagalakan na magkaroon ng pagkakataon na makasalamuha ng ibang tao. Yung mga panahon na malaya niyang nagagawa ang mga gusto; walang takot na huhusgahan siya ng mga ito.


Pero unti-unting dumating yung sitwasyon na kanyang kinatatakutan. Yung mawalan siya ng kalayaan; ng kapayapaan ng kalooban. Dahil kung mayroon man siyang hindi gustong pakiramdam, iyon ay ang magapos at ang madiktahan. Dahil nandito siya para maging malaya. Para maialis ang ano mang gumugulo sa isipan. At kung hindi na niya makamit ito, hudyat iyon na oras na para siya ay lumisan.


Binuksan niya ang pinto ng dahan-dahan. Siniguradong walang liwanag na makakapasok mula sa labas dahil ito ang labis na kinatatakutan ng mga taong nasa loob. Mga taong nabulag na sa katotohanan; mga taong nasanay na sa kadiliman nang hindi nila nalalaman. 


Sa huling pagkakataon ay lumingon siya sa dating tahanan. Naglabas ng isang mapait na ngiti at tuluyan nang tumuloy sa paglakad. 


‘Paalam.’ ang sabi niya.



No comments:

Mahal nga eh... Kaya Nagpakatanga!