Gitnang-Silangan |
Oo, alam kong hindi naman talaga ito isang malaking bangungot kung tutuusin. Hindi naman maikakaila na ako rin naman ay nakadarama ng pagmamahal at kaligayahan mula sa mga nakapaligid sa akin. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, kung aking titimbangin ang mga bagay-bagay, tila ba mas marami ang sa akin ay nawawala kaysa sa aking nakukuha. Nilalamon ng lugar na ito ang aking kalakasan. Unti-unti nitong pinapatay ang apoy sa aking kalooban. Inuubos nito ang aking tapang. Pinapawi nito ang aking kauhawan – na matuto, na maghanap, na makatagpo ng mga bagay na malayo mula sa akin kinagawian, kinalakihan at kasalukuyang nalalaman.
Kaya’t kailangan. Aalis ako rito ano’t ano pa man. Hindi man ako tuluyang tatalikod, dahil babalik at babalik din naman talaga ako mula sa aking pinagmulan – mula sa lugar na hindi ko naisip noon na gugustuhin kong iwanan. Kailangan. Kailangan kong buksan ang iba pang mga mga pintuan na nakahatag sa aking harapan.
Kaunti na lang. Kaunting tiis na lang. Patuloy akong naniniwala. Ako rin ay lalaya. Ako rin, mula rito, ay tuluyang makakawala.
No comments:
Post a Comment